Tuesday, June 20, 2006

Dalmatian Nursing Student


Umuulan na naman. Kumukulog. Kumikidlat. Lahat na naman ng labada ko tumakbo papasok ng apartment ko. Ngayon na nga lang ako naglaba, ngayon pa uulan.

Hay. Nakakatamad tuloy pumasok sa duty. Sigurado ako pagdating ko sa hospital, isa na naman akong dalmatian dahil sa patak ng putik at tubig sa uniform at stockings ko. Sigurado ako, may mini-baha na naman papuntang hospital. At mababasa na naman sapatos kong kay tagal kong nilinisan kanina.

Ilang beses na akong nadumihan pag pumapasok sa school na naka nursing uniform. Madalas akong tanungin ng mga kaklase kung bakit madumi yung likod ko.

EEEEEWWWWW, what's that?, sabi ng classmate kong perpektong plantsado ang uniform.

Hindi ko rin mapaliwanag dahil hindi ko alam kung san nanggagaling ang duming yan. Nilalabhan ko naman mabuti. Ang mahal pa nga ng detergent na gamit ko. Natatanggal naman pero pagdating ko sa school eh andun na naman ang linya-linya ng dumi sa likod ko. Gusto kong lagyan ng white ink para permanenteng di na ako mapapahiya sa mga kaklase ko.

Nakakainis din pag umuulan dahil pumapatak ang putik at tubig sa stockings ko. Para tuloy akong nagbabad sa fountain ng Market Market. Feeling ko magnet ako ng dumi at putik pag umuulan. Kahit na pilit kong dinadahan-dahan ang paglakad ko, meron at meron pa ring spots ng dumi. Dapat daw mas mabagal pa sa pagong kung maglalakad ako sa ulan, ika nga ng isa kong classmate na spotless ang uniform pagdating sa school kahit na baha. Kung minsan namamangha na lang ako sa kanya.

Sana may giant umbrella na lang ako para di ako mabasa. Kelan kaya makakaimbento ang tao ng rain-shield. Kung san nasa loob ka ng isang higanteng lobo at di ka nababasa sa patak ng ulan. Siguro maphe-phase out na mga payong pag nangyari yun.

Tinatamad talaga ako. Sana dito na lang ako sa harap ng computer ko buong maghapon. Para magsulat ng magsulat (o mag-type ng mag-type). Ang sarap matulog. Ang sarap mag-kape. Sana tumila na ang ulan.

Ayaw ko ng maging dalmatian.

No comments: