Sunday, July 09, 2006

Ang Mga Ka-loveteam ni She Nung Elementary

Nung elementary ako, napakarami kong experience.

May nakakatuwa pag naiisip ko ngayon. Meron namang napaka-tanga ko naman, bakit ko ginawa yun? Meron din mga ala-ala ng mga ka love team ko. (Kasing taba ko rin)

Masaya nung elementary. Walang term paper. Walang Monday-Tuesday-Wednesday na schedule. Iisa ang teacher na pakikisamahan mo. Walang surprise quiz. Walang 150-item post exams. Walang duty.

Best of all, andaming play time. Sa college, bale-wala na ang playground at ang flag pole. Nung elementary… teritoryo namin ang playground. Kulang na lang ihian namin parang aso. Eto ang teritoryo ko… Eto ang iyo…

Pag kinder ka, andami mong natututunan.

A, Ba, Ka, Da, E, Ga, Ha…

Aaahhh, EEEhhhhh, Iiiiii, OOOOO, Uuuuuu

Ang ba-hay ni Su-san ay na-sa taaaa-bbbiii ng buunnn-ddddooookkkk.

Hindi pa uso si Barney nun. Kaya walang I love you… You love me…

Puro twinkle, twinkle little stars, Old McDonald had A Farm ang mga kanta namin.

Ang paborito kong school song noon eh ang BINGO. Tuwang tuwa ako! Unti-unti naming nilulusaw si Bingo.



B-I-N-G-O

CLAP-I-N-G-O

CLAP-CLAP-N-G-O

CLAP-CLAP-CLAP-G-O

CLAP-CLAP-CLAP-CLAP-O

CLAP-CLAP-CLAP-CLAP-CLAP

Tapos wala na si Bingo.

Pag nakikita ko ang Kindergarten teacher ko, lagi niyang sinasabi: (Sabay pinipigilan ang pagtawa)

Di ba ikaw yung laging umiiyak pag hinahatid ka?

Oo, iyakin ako noon. Kahit sinong maghahatid sa akin, pag aalis na eh talagang iiyakan ko siya. Lalo na pag ang tatay ko ang naghatid. Nagwawala ako sa classroom at pilit ko siyang hinihila sa loob.

Kaya todo kantsaw ang mga classmate ko nun.

Aaaaay! Iyakin siya… Sabay labas ng dila…

o di kaya…

Umiiyak ka na naman! Sabay tawa sila.

At ako naman, hahabulin ko sila sa playground dahil sa inis ko. Siguro may epekto ang pagtakbo ko sa playground noon. Tumitigil ako sa pag-iyak. Ganun lang ang naging technique ko.

Nung kindergarten ako, may dalawa akong ka love-team.

Pero may asawa’t anak na sila ngayon. Kaya di ko na babanggitin ang mga pangalan nila dito. Itago na lang natin sila sa pangalang Mr. J at Mr. S.

Si Mr. J. Heto, bilib na bilib ako dito. Antagal niya akong niligawan. Biruin niyo, magmula Kinder hanggang Grade 5 crush niya ako. Huwaw! (She:Hayaan niyo muna akong magmayabang. Paminsan-minsan lang ito :p) Pero hindi ko siya sinagot (haha!)

Nung Grade 2 kami, lagi akong binibigyan ni Mr.J ng mga stationery. Yung mga mababango at makulay. Paborito ko yun noon. Tapos todo-kantsaw naman daw mga classmate ko. Ako naman, nahihiya ako nun. Tinatanong ko nga ang sarili ko kung bakit ba ako nagugustuhan ni Mr. J. Hanggang ngayon.

Minsan, lunch break namin, hinalikan ako ni Mr. J sa pisngi. Sa tabi ng flag pole. Walang pasabi. Biglaan.

Nagwala ako! Umiyak ako ng umiyak. Waaah! First kiss ko yun at hindi man lang sa lips!

Biro lang. Napahiya ako noon kaya ako umiyak.

At si Mr.J hindi na siya natagpuan magmula noon.

Pero nung dismissal natagpuan na siya.

Nagtago daw yata sa Cathedral. Ang layo. Di na lang nagtago sa CR ng lalake o sa bangin na tabi ng school namin. Wala pa sanang napagod na teacher sa kahahanap sa kanya.

Ganon ako ka-arte noon.

Si Mr. S naman, malaki siya. As in mataba. Dedma lang siya sa akin. Hindi niya ako type. Kaya lang kami ginawang love team eh dahil mataba din ako tulad niya. Sa dami naming magkaka-klase, ako lang ang pwedeng bumagay sa kanya. Dahil pag yung iba ang ka-love team niya, tiyak, magmumukha silang number 10. Pero pag kami double zero.

Hanggang ngayon, kinakantsawan pa rin ako ng tatay ko tuwing dumadaan kami sa bahay nila.

Uuuuyyy… Anjan na si Mr. S… Bisitahin kaya natin siya…

Mga tatay talaga. Pakantsaw-kantsaw, pero deep inside, hindi naman niya gustong maligawan ang anak. Kulang na lang, magbuhat siya ng shotgun pag dinadalaw ang anak niya ng manliligaw.


***

Grade 1

May isa lang nagkaka-crush sa akin noon. Tawagin natin siyang Hawaiian boy.

Naalala ko, bingyan niya ako ng pearl necklace noon. Sa nanay niya siguro yun. Kaya tumanggi ako. At umiyak siya. Naawa ako at kinuha ko ang nasabing necklace.

Madalas niya akong baunan ng Sky Flakes at siopao noon. At unti-unti ko na rin siyang nagugustuhan non. (Uy… develop :P)

Tapos, nung August ng taong yun. Nabalitaan kong pupunta na daw sila sa Hawaii. Nung umagang yun, dinala ng teacher ko si Hawaiian boy sa harap ng klase para magpaalam sa aming lahat.

Class… He will already leave us and go to Hawaii. Let’s all say goodbye to him…

Natulala ako nun at biglang bumigat ang puso ko (hanep sa mga words)…

Wala pang isang minuto, talagang umiyak ako sa upuan ko. Grabe… parang trend yata talaga sa buhay ko ang iniiwan ako.

Sabi niya sa akin nung araw din na yun, “Oh! Don’t cry. I’ll be back.”

Nag mala-Arnold pa ang lolo mo.

**

Grade 3

Pinaka maintrigang elementary years ko to. Dahil dito. Apat ang nagka crush sa akin. Ang dalawa dito ay classmate ko. Ang isa naman ay si Mr.J. At ang isa ay si Mr. F.

Hanep ang mga ligaw tactics ng mga ito. Nung valentines na yun, binigyan ako ng card at isang manika nung dalawang classmate ko.

Sabi sa card “For my Wife”

Anak ng kalabasa.

Wala pa ngang ligawan at honeymoon, instant wife na ako.

Tinignan ko din ang manikang binigay sa akin. May dungis sa mukha at may pangalang Samantha sa likod ng manika. (Nalaman ko na may kapatid na Samantha yung isang classmate ko)

Minsan, talagang di-neyt pa ako sa McDo. Ayos! Free food! Eh pag nasa McDo ka pa nun, sikat ka na. Todo yaman ka na nun sa paningin naming mga Grade 3. Binilhan niya ako ng napakaraming French fries. Sa buong “date” na yun. Hindi ako nagsalita at dahil dun umiyak siya sa McDo. Sabi niya, “Bakit hindi ka nagsasalita? May nagawa ba akong mali?”

Todo ang drama ng lolo niyo.

Hindi lang talaga ako makapagsalita dahil nahihiya ako sa kanya. Ganun lang siguro talaga ako. Tahimik at mahiyain. Pero nung hinatid niya ako sa sakayan ng jeep, nagpasalamat ako. Yun lang. Siguro, lalo pa siyang napaiyak.

Kinabukasan, binigyan na naman nila ako ng sulat. At marami nilang beses itong inulit.

Si Mr. J, bilib na naman ako dito. Everyday eh may love letter ako. At ang nagdedeliver ng sulat niya ay ang teacher ko sa science. Hanep ginawa pang postmaster ang teacher para lang maparating ang I LOVE YOU sa akin na nakasulat sa isang magandang stationery. Hiyang-hiya akong tatayo sa upuan ko para kunin ito. Tuwang-tuwa naman daw ang teacher ko at go-na-go siya sa nangyayareng long-distance panliligaw ni Mr. J.

Nung napadalaw pa nga si science teacher sa bahay namin para magtinda ng encyclopedia, sinabi pa niya ito sa nanay ko at detalyadong kwento ang nangyare. Tuwang-tuwa silang nagkwekwentuhan. Habang ako eh nakatulala… Hindi malaman kung bakit kelangan pang i-share ni science teacher yun.

Sa isang typical na araw sa classroom…

She…. You have another letter.

Err… Thank you misis…

It’s from Mr. J.

Sabay palakpak at hiyaw ng mga kaklase ko.

Anak na naman ng kalabasa. Hindi na natigil ang kahihiyan ko.

Binuksan ko ang napaka-bangong papel.

I love you….

Yun ang mensahe niya sa akin. Hindi siya tumigil dito. Pag may mga espesyal na okasyon, talagang bibigyan pa ako ng mga red na rosas.

Si Mr. F naman, isa siyang Filipino-American pero pag nakita mo siya, Amerikanong-amerikano itsura niya. Blonde hair, maputi…

Hindi siya kagalante dumiskarte compared sa mga iba. Pero siya yung nagustuhan ko. Katangahan. Siguro dahil gwapo siya. At ako panget. Feeling ko bagay kami dahil sa natutunan ko sa science na opposites attract. Walang masyadong kwento kay Mr. F. Basta, gwapo lang at siya ang nagustuhan ko.

Sa murang puso at isip ko nun, hindi ko dinibdib ang lahat ng ito. Mas gusto kong maglaro. Hindi ko naman minasama ang mga crush-crush na mga yan. Pag naaalala ko nga, napapangiti ako. Abala lang siguro ako sa paglaro ng 5-5 nun at Washington, tagu-taguan at sipa.

Sa ngayon, naiisip ko napakaswerte ko naman pala nun. Isipin niyo, sa isang tulad ko, may magkakagusto at lahat gagawin para lang maiparating na gusto ako? Kaya, kung asan man kayo Mr. J, Mr.F, Mr.S, Hawaiian boy at dalawang grade 3 classmates, thank you ha sa lahat :)

1 comment:

icarus_05 said...

Naks... Ahoho.. those were the days.. ehehe...